Wednesday, October 19, 2011

ANG AKING UNANG PAG-IBIG

ni: Rhea Hernandez

Lumuwas para mag-aral sa maynila,
at doon kita ay nakilala,
binati mo ako ng magandang umaga,
iyon ang ating unang pagkikita,

Sa araw-araw sa pagpasok sa eskuwelahan,
ikaw ay nakakasabay sa sakayan,
iisa pala ang ating pupuntahan,
doon nagsimula ang ating magandang samahan.

Kaya nag-umpisa ang ating pagiging magkaibigan,
aking nalaman ikaw pala’y may kasintahan,
malapit na siyang iyong pakasalan,
masaya naman ako sa aking natuklasan.

Naging madali kang lapitan,
sa aking aralin lagi mo akong tinutulungan,
naging matalik kitang kaibigan,
pag may problema naging sandigan.

Tuwing gabi hilig mong gumitara,
sasabayan mo ng iyong pagkanta,
pakiramdam ko’y ako ang iyong hinaharana,
iniisip kong lagi di puede may mahal kang iba.

Lingid sa aking kalaman,
matagal ng nakatakda ang kasalan,
ikakasal ka na sa iyong kasintahan,
bakit ba ako nasasaktan?

Isang linggo bago sumapit ang kasalan,
ako’y iyong sinulatan,
gusto mong magkita tayo sa isang tagpuan,
at mayroon kamo tayong pag-uusapan.

Nagulat ako sa iyong tinuran,
na mas mahal mo ako kesa sa iyong kasintahan,
di ko kayang sirain ang inyong pagmamahalan,
kaya ikaw ay aking tinanggihan.

Tumanggi ang aking isipan,
pero ang puso ko naging sugatan,
lingid sa iyong kaalaman,
mahal na pala kita ng di ko namamalayan.

Na siya ang aking first love di na nalaman,
sa gabi nababasa ang unan,
sa pagtangis sa pag-ibig na walang kinauwian,
unang pagmamahal nauwi sa kabiguan.

Nakuha ko pang dumalo sa inyong kasalan,
luha’y umagos na di namamalayan,
ang aking damdamin ay nasasaktan,
hirap ng aking naging kalagayan.

Di naglaon ako’y lumisan,
lumipat ng ibang tirahan,
para di matunghayan ,
ang inyong pagmamahalan.

Pilit nilimot ang nakaraan,
ang unang pag ibig ngayo’y tinatawanan,
isa pala itong magandang karanasan,
isang kabiguan sa alaala binabalikan.
by: RHEA HERNANDEZ

No comments:

Post a Comment