Wednesday, October 19, 2011

DAPAT BANG LIMUTIN ANG SUMPANG BINITAWAN

ni: Rhea Hernandez

Irog kong mahal bakit... mo ako iniwan,
ang sumpa mo noon di mo ako sasaktan,
bakit heto ako ngayon puso’y sugatan,
paglimot sa iyo’y mahabang gamutan.

Kapag puso ang tanungin, gusto’y ipaglaban,
parang bagyong Andoy itong aking isipan,
ang limutin ka, puso’y ang hirap turuan.
di ko malaman kung kailan ka puwedeng bitawan.

Ang buhay ngayon dahil sa iyo’y naging mapanglaw,
ang galit sa puso parang kidlat sa tag-araw,
ang damdami’y hindi mapigil ito’y nagsusumigaw,
kahit lumakad ka ng paluhod pabalik, ni sa bintana’y di dudungaw.

Noong una’y pinatawad, ngayon di na pagbibigyan,
sobra-sobra na ang dinulot mong kabiguan,
at ngayon nga may sumpa akong binitiwan,
kahit matuyo ang ‘pacific ocean’, di na papayag na iyong balikan.

Nagpakaligaya ka sa ibang kandungan,
mga paliwanag mo’y ayoko ko nang pakinggan,
wala nang dahilan para muling magkabalikan,
winasak mo puso kong mapagmahal, ngayon ito’y sugatan.

Eto ka ngayon nagpaparamdam, puso’y litong-lito kung ano ang tuturan,
pagkatapos mong durugin ito aking puso’t isipan,
noo’y itinaga ko sa bato ang sumpang binitiwan,
eto ka ngayon gustong humingi ng tawad sa iyong iniwan.

Itong aking tula handog ko sa isang puso na puno ng pighati at kasawian,
nandito kami mahal kong kaibigan kasama mo sa iyong kalungkutan,
huwag mag-alala handang dumamay at umalalay sa iyong likuran,
ngayong ikaw ay dumaranas ng pighati at kabiguan.

Kayo ang humusga mga katoto at kaibigan,
dapat bang siya’y patawarin at sa pangatlong pagkakatao’y pagbigyan,
kung kayo ang nasa katayuan at lugar nang aking kaibigan,
dapat pa ba siyang makipagbalikan at limutin ang sumpang binitiwan?
by: RHEA HERNANDEZ

No comments:

Post a Comment