Unang pag-ibig unang kabiguan,
Kayhirap ng mga panahong nagdaan,
Kaya naman ginawa lahat para siya ay kalimutan,
Gusto ng puso siya ay mapalitan.
Isang araw na may nakabanggaan,
Isang lalaki na dating kaibigan,
Hiningi ang phone number mo at kayo’y nagpalitan,
Isang araw ikaw ay tinawagan,
Puwede daw bang ikaw ay pasyalan,
Sa iyong munting tirahan,
Siya’y iyong pinayagan.
Naging makulit kaya siya’y iyong pinagbigyan,
Inisip baka ito na ang gamot sa pusong sugatan,
Unang pag-ibig hindi pa nalilimutan,
Baka ito na ang paraan upang limutin ang unang kabiguan.
Buhat noon ikaw ay niligawan,
Hatid-sundo sa paaralan,
Mahalin ka hindi mo inaasahan,
Unti-unti mong nalimot ang kabiguan.
Ikaw kanyang pinahalagahan,
Ramdam mo ika’y pinoprotektahan,
Unang pag-ibig iyong nakalimutan,
Kaya kayo’y nagkaintindihan.
Minsan habang sakay sa jeep pauwi sa tirahan,
Ikaw ay naidlip na hindi mo namamalayan,
Sa pangyayari sinamantala ikaw ay hinalikan,
Unang halik di mo naramdaman.
Nakaw na halik ang naging daan,
Sa inyong pagmamahalan,
Ang unang pag-ibig iyong nakalimutan.
Akala mo’y ito na ang tunay na pag-iibigan,
Subalit siya pala’y isang salawahan,
Mayroon pang iba siyang nililigawan,
At ito’y iyong nabalitaan.
Ang inyong unawaan,
Nauwi sa kabiguan,
Kay saklap nitong kapalaran,
Di ito ang iyong inaasahan.
Isang araw ito’y inyong pinag-usapan,
Ang sagot niya’y wala kayong pormal na ugnayan,
Ang inaakala mong pagmamahalan,
Wala pala itong katuturan.
Akala mo mayroon na kayong relasyon,
Buhat ng nakawan ka ng halik noon,
Iyon pala’y wala lang sa kanya iyon,
Di ba niya alam ito’y mahalaga, kasi unang halik mo iyon?
Ang inakala mong kayo’y may relasyon,
Iyon pala’y isang kunsumisyon,
Sinayang mo lang ang iyong panahon,
Sa lalaking walang konsiderasyon.
Kung kailan natutunan mo ng mahalin,
Ang sabi siya ay nainip na ikaw hintayin,
Na siya ay iyong ibigin at mahalin,
Di ba niya nararamdaman na siya mahal mo rin.
Ito ang hirap pag di mo sinasabi ng tapatan,
Kung ano ang iyong nararamdaman,
I LOVE YOU!!! Dapat pala iyong ipagsigawan,
Sabihin sa kanya para kanyang maintindihan.
Ito’y naging aral sa kanyang karanasan,
Kaya naman ito’y kanyang tinandaan,
Sa susunod na siya’y ligawan,
Na kanyang ipagsisigawan na kayo’y nagmamahalan.
Unang halik nauwi sa kabiguan,
Ang mas masaklap ang ipinalit sa kanya isang kaibigan,
At kanyang nabalitaan ito’y nauwi sa kasalan,
Ikaw ay naiwang luhaan at sugatan.
by: RHEA HERNANDEZ
No comments:
Post a Comment