Wednesday, October 19, 2011

ANG BAWAL NA PAG-IBIG

ni: Rhea Hernandez

Ang bawal na pag ibig huwag mong patulan,
Ganitong pagmamahala’y walang patutunguhan,
Huwag pag-aksayahan ng oras sa iyong isipan,
Dahil sa bandang huli ikaw din ang masasaktan.

Maraming paraan para lumigaya,
Kaydami mong kaibigan na makakasama,
Hindi dahilan ang lungkot na nadarama,
Para ikaw ay pumatol sa isang may asawa.

Minsan isipin, puso’y di laging sundin,
Pag-ibig kung minsa’y nakakasakit din,
Ang maling pagmamahal huwag damhin,
Dahil pagdating ng araw ikaw ay maririmdim

Ang relasyong bawal kahit kailan,
Ito’y nakakasakit at walang patutunguhan,
Masakit mang isipin ang katotohanan,
Huwag pasukin ang pag-ibig na makasalanan.

Itong sa akin ay payo na may kasamang hamon,
Ang iyong nadarama ay masalimuot na relasyon,
Iwasan mo ang landas patungo sa ganitong sitwasyon,
Doon ka laging bumaybay sa tamang direkyon.

Ang magmahal ay hindi biro,
Sa iyong irog ay ayaw mong mapalayo,
Pero ito’y bawal sa mata ng Diyos at sa tao,
Masakit pero kailangang ikaw ay lumayo.

Kahit kailan hindi ka magwawagi,
Bawal na pag-ibig hatid ay laging pighati,
Ang iwasan siya ang mas makakabuti,
Magmahal sa Malaya huwag doon sa nakatali.

Minsan ang kapalaran sadyang mapagbiro,
Maling tao ang iyong nakakatagpo,
Kaya kailangang ikaw ay lumayo,
Iwasan ang sakit na dulot ng tukso.

Sa maling pag-ibig hindi ka sasaya,
Kaya kalimutan ang maling pagsinta,
Ang iyong pag-irog, maging ilog ng luha sa mata,
Huwag kalimutan itong aking munting paalala.

Paano na ang kinabukasan ng anak at asawa,
Kaya bang dibdibing may masira kang pamilya?
Sa ganitong pagkakataon hindi ka liligaya,
Sa piling niya sigurado hindi ka sasaya!

Ang tukso ng pag-ibig kayhirap sugpuin
Bakit kung ano ang bawal siyang kaytamis damhin?
kaya kahit ito’y tunay na pag-ibig dapat mong limutin,
Tamis at saya ng bawal na pag-ibig ay iyong pigilin.

Bawal na pag-ibig ay ugat ng kabiguan,
Pagdating ng araw ika’y maging sugatan,
Yaring puso madaling turuan,
Malalaman ang tamang paraan sa dikta ng isipan

Pagsapit nito’y mahirap siyang harapin,
Bawal na pag ibig sa puso iyong patayin,
Kahit sa isipan iyo itong puksain,
Pagdating ng araw sarili di kayang patawarin.

Bawal na pag-ibig kaysarap ngang damhin,
ngunit darating ang araw ito’y poproblemahin,
Kaya ganitong klaseng pag-ibig huwag pasukin,
Ganitong relasyon huwag mong pagtagalin.

Winasak na pamilya iyong isipin,
Pagmamahalan ninyo ay mabibitin,
Kaya sarili mo ay tapat na tanungin,
Dapat nga ba syang mahalin?
by: RHEA HERNANDEZ

No comments:

Post a Comment