Wednesday, October 19, 2011

ANG PALIPAD-HANGIN

ni: Rhea Hernandez


Ang binata kung lumigaw noon, palipad-hangin... ang paraan
sa mahinhing dalaga na kanyang tunay na napupusuan,
mga lalaking torpe na hindi makapagsalita ng diretsahan,
ito ang kalimitang ginagamit upang pag-ibig ay maiparamdam.

Mga matatamis na salita sa palipad-hangin pinapadaan,
sa lakambining sinisinta ito ay masuyong ipinaparamdam,
laman ng puso'y ipahayag sa pagbabakasakaling ito'y pakinggan,
nang dalagang nililiyag... samo ng puso ipaalam ng walang alinlangan.

Mga mabulaklak na salita ang siyang tinuturan,
parinig sa mutyang dalaga ang mga bulong na may laman,
siguradong sila'y pakikinggan ng dalagang napupusuan.
bulong ng puso ay magkakaroon ng malambing na kasagutan.

Ang pilit ikinukubling pag-ibig na nadarama,
wag mag-atubiling sa palipad-hangin ipahiwatig ang pagsinta,
pawalan ang hirap na sa damdamin ay nakabara,
at baka sakaling ito ay pagkalooban ng tugmang pagsinta.

Sa dalagang minimithing iharap sa dambana,
ang importante lang ay makarating sa kanya,
mensahe ng iyong pusong puno ng kaba,
di man diretsahan ito’y maiintindihan niya.

Kuwento ito ni ama sa akin... ako naman ay sang-ayon,
ang palipad-hangin... tulad nang harana ay sikat noon,
pero nasaan na ba ang ganitong kaugalian at tradisyon,
tuluyan na nga bang sinira ng makabagong panahon?
by:RHEA HERNNANDEZ

No comments:

Post a Comment